β
Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. O iibig nang di natututo. O iibig na wala. O di iibig kailanman.
Ang iba'y iibig sa maling panahon, umibig na noong 1980s, nakipagmartsa sa mga aktibista, pero ang taong nakatakda para sa kanya ay nabuhay noon pang 1930s, isang rebelde laban sa mga amerikano, matagal nang namatay. Kaya she keeps falling in love sa mga lalaking mas matatanda hinahanap sa kanila ang di mahanap na wala, hindi mapagtagpo ang kahapon at ang kasalukyan.
May mga pusong pinaglalaruan. Nasa parehong building ng call center but they will never realize that they are on the same floor. Maski parang laging may strange force na humihila sa kanila para tumingin sa kabilang building. Kailanman ay di sila magtatagpo. Tanungin man siya ng boyfriend niya kung ano iyong lagi niyang tinitignan sa kabila ay di niya masasagot. At kailanman ay di niya malalaman dahil eventually ang lalaki ay lilipat sa ibang lugar, at siya, hanggang sa mamatay, di na niya malalaman kung sino nga iyong nasa kabila.
Merong pinalad na nagkakilala, nagkaibigan at nagsama. Pero sa di malamang dahilan ay iniwan ng babae ang lalaki. Mabubuhay ang lalaki sa walang hanggang paghahanap. Mari-realize niya na ang pag-ibig ay laging paghahanap. Pero hindi niya kailanman mahahanap ang babae dahil ang totoong hindi niya mahanap ay ang kanyang sarili.
Merong away nang away kapag magkasama pero hindi naman kaya ang makahiwalay. Merong nagmamahal lamang kapag nananakit. Meron relihiyon ang humaharang, o katayuan sa buhay, o mga magulang. Merong sila mismo ang gumagawa ng harang.
Merong umiibig na habang nagtatagal ay lalong nawawalan ng IQ. Merong pag umibig ay napupundi ang 4 out of 5 senses, touch lang ang natitira. Merong ang tingin sa pag-ibig ay tali. Meron di makahakbang dahil sa pag-ibig at merong namang nakakalipad. Merong ang tingin sa pag-ibig ay hapunang walang sawsawan. Merong pag umibig ay nahaharap sa salamin, sarili ang sinasamba. Merong ang tingin sa pag-ibig ay parusa.
Ang iba'y iibig sa hayop, dahil noong unang panahon ay mga hayop sila. Ang iba'y iibig sa mga bahay, kinikilig kapag hinahaplos ang barandilya, nalilibugan sa mga kisame, pinagnanasaan ang sahig. Patuloy silang mananakit sa mga babaing umiibig sa kanila dahil hindi nila kailanman malalaman ang puso nila ay gawa sa kahoy.
Pero merong isa sa lima, harangan man ng kulog, ng ganid, ng lindol, ng teknolohiya, mahahanap niya ang kanyang mahal. Siya lang ang magiging maligaya.
β
β