Wikang Pambansa Quotes

We've searched our database for all the quotes and captions related to Wikang Pambansa. Here they are! All 42 of them:

[A]ng tiyanggê ay isang salitang Aztec . . . [A]ng salitang “tata” bilang isang tawag ng paggalang sa matandang lipunan ng Mexico. Akala ko, ito at ang tatay ay katutubo't mas maipagmamalaking kapalit sa “papa” at “daddy.” Subalit totoong marami pa tayong salitang Mexican sa ating pagkain dahil marami sa mga gulay at bungangkahoy natin ngayon ang mula sa mga binhing buhat sa Mexico. Ang iba sa mga halamang ito ay kilala natin sa pangalang Espanyol, tulad ng kalabasa, tsiko, at sapote. Pero may mga pangalan na korupsiyon ng orihinal gaya ng kamatsile na mula sa Aztec na cuamuchtl at pinaghanguan din ng Ingles na guamachil. Isa pa, ang abokado na mula sa Espanyol na avocado. Pero hango ito sa Nahuatl na ahuacatI---na ang literal na kahulugan ay 'bayag.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Ang katumbás sa katuturán ng katá ay akó at ikáw, ang katumbás ng kitá ay ikaw ay aking, o ko ikáw, at ang sa kanitá ay akin at iyó, magkasama o pisán.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
walâ (sero) 0 isá 1 dalawá 2 tatló 3 apat 4 limá 5 anim 6 pitó 7 waló 8 siyám 9 sampuô (isáng puô) 10 sandaán (isáng daán) 100 sanlibo (isáng libo) 1000 sanlaksâ (isáng laksâ) 10,000 sangyutà (isáng yutà) 100,000 sang-angaw (isáng angaw) 1,000,000
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Iwasan ang mga salitang “siyokoy” o mga salita na hindi wastong Espanyol at hindi rin wastong Ingles. Halimbawa, “amyenda” sa halip na enmiyenda (enmienda) ng Espanyol o amendment ng Ingles, “aspeto” sa halip na aspekto (aspecto)ng Espanyol, “respekto” sa halip na respeto ng Espanyol o respek (respect) ng Ingles, “dayalogo” sa halip na diyalogo (dialogo) ng Espanyol o dayalog (dialogue) ng Ingles, “endorso” sa halip na endoso ng Espanyol o indors (endorse) ng Ingles, “imahe” sa halip na imahen (imagen) ng Espanyol o imeyds (image) ng Ingles, “dekolonisasyon” sa halip na deskolonisasyon (descolonisacion) ng Espanyol o dekoloniseysiyon (decolonization) ng Ingles, “istandardisasyon” sa halip na estandardisasyon (estandardizacion) o istandardiseysiyon (standardization) ng Ingles, “istraktura” sa halip na estruktura (estructura) ng Espanyol o istraktiyur (structure) ng Ingles, "kotemporaryo” sa halip na kontemporaneo (contemporaneo) ng Espanyol o kontemporari (contemporary) ng Ingles, “obhektibo” sa halip na obhetibo (objetivo) ng Espanyol o objektiv (objective) ng Ingles, “pesante” sa halip na paysano (paisano) ng Espanyol o pesant (peasant) ng Ingles, “prayoridad” sa halip na priyoridad (prioridad) ng Espanyol o prayoriti (priority) ng Ingles, “subhetibo” sa halip na suhetibo (sujetivo) ng Espanyol o subjektiv (subjective) ng Ingles.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Kapág ang unang titik ng salitáng-ugát ay k-, gaya ng kahoy, kitíl, kuha, atb. —karaniwang ang náturang titik ay nawawalâ, at ang mang ay lúbusan nang ikinakamá at ibinibigkás sa unang patinig na napag-iiwan. Anupá’t ganitó sa banghayan: mangahoy, . . . mangitíl, . . . manguha
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
May mga salitáng-ugát na, ayon sa talátinigan, ay nagsísimulâ sa titik ng (dati’y ḡ o nḡ), bagamán ang ilán ay kiníkilala ring nagsísimulâ sa k—gaya ng ngambá, nganib, ngatî (katî), ngilíg (kilíg), nginíg (kiníg), ngunyapít (kunyapít), nguyumpís (kuyumpís), atb.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Ang pang-abay na parati ay dî hangò sa dati, na gaya ng palagì sa lagì; sapagká’t may ibáng kahulugán at diwà. Ang ibig sabihin ng parati ay palagì, samantalang ang dati ay noóng araw, nang panahóng nagdaán.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
May isáng matandáng salitáng hindî na gamit at maanong kilalâ man lamang ngayón, nguni’t nakapagpapáhayag din ng pagpapasalamat na may diwang wari’y pakutyâ o paaglahì. Ang tinurang salitâ ay nangháw, na ang halimbawang n asatalatinigan ay: Nangháw, at namatáy ang kaaway ko (salamat o mabuti at namatay . . .) Sa kahulugáng pasaliwâ ng salamat, álalaóng bagá’y di-marunong magpasalamat o tumanáw ng utang na loób, ang karaniwang ginagamit ay mga pariralang waláng turing, waláng utang na loób, o kaya’y ang mga salitáng lanuwáng, busóng; nguni’t ang mga parirala’t salitáng itó’y malamáng na mga pang-urì kaysá pang-abay.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Ang kahit ay kabuuán ng kahí-at, at ang bagamán at káhiman, na binubuô ng bagá at man, kahì at man, ay madalás na nangag-tatagláy ng pang-angkóp t sa karaniwang pangungusap.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Ang kung ay nagdiriwà ng panahóng kasulukuyan o ng kaugalian, at ang pag ay ng panahóng hinaharáp o gagawín pa lamang.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
[K]apág sa mga araw na nagdaán na, ang unlapì ay ka, at kapág sa mga dáraan pa, ang unlapi’y sa; . . . paglampás sa ikaapat na araw, magíng sa nagdaán at magíng sa daraán, ay tinatawag na sa talagáng pangalan ang araw na náuukol.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Hindi naman natin laging mabibigyan ng katumbas na katutubo o likhang katawagan ang bawat modernong pangngalan na sumulpot sa ating buhay. Lalong malilito ang bayan at malaking gastos ang popularisasyon lamang ng ilang isina-Filipinong katawagan.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Itóng lubha at lalò ay nagagamit na magkapálitan; dátapwá’t nagkakáibá lamang sa paggamit ng panakdáng na at pa: ang karaniwang abay na hinihingî ng lubhâ ay pa, at ang sa lalò ay na.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Bagamán itóng bakit ay pinag-angkupán lamang ng salitáng bakin at katagáng at, dapwa’t siyá nang ugaling gamitin sa mga pananalitâ. Ang bakin ay sa iláng lalawigan na lamang náririníg, o sa mga pangungusap na pampánitikan.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Sa mga pangalang-tao na nápapangunahan ng tawag sa tungkulin niláng hawak, ang ginagamit na pantukoy ay panangì kung ang tawag-tungkól ay salitáng banyagà, at pantukoy na pambálaná kung salitáng tagalog. SI Henerál Aguinaldo Ang Punong-hukbóng Aguinaldo
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
nang (ng), manga (mga), Ang mga may-kulóng na katagâ ay anyông dinaglát ng mga buóng salitáng sinusundán. Ang mga tinurang daglát ay siyáng kaugalian nang ginagamit sa mga pagsulat at paglilimbág, upáng bukód sa mapaiklî, ay maiwasan ang pagkakámalî sa ibáng salitáng katulad na may ibáng tungkulin sa pangungusap, gaya ng manga sa pandiwà, at ng mga nang na pang-abay at pangatníg, sa mga pariralang sumusunód: mangatulog na kayó bakâ silá mangagalit nang (noong) kabataan ni Rizal lumakad nang paluhód walâ nang salapî mag-aaral, nang (upáng) dumunong
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
Sinasabing hindi tinatanggap na katwiran ang katangahan sa batas. Ngunit waring sinasadya ng ating mga mambabatas, alagad ng batas, at tagapangasiwa ng batas na manatiling tanga sa batas ang taumbayan sa pamamagitan ng paggawa at pagpapatupad ng mga tuntunin sa Ingles.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Tiyak na mali ang “gayunpaman” at dapat isulat na gayimpaman sang-ayon sa tuntunin tungkol sa pagbabago ng N kapag sinundan ng P o B.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Nagaganap din ang pag-iisang salita ng mga prase o parirala. Magandang halimbawa nito ang nangyari sa bakit, ngunit, subalit, datapwat, at sapagkat mula sa sinaunang “bakin at,” “nguni at,” “subali at,” “datapuwa at,” at “sapagka at.” Nito limang makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig isinagawa nina Alejandro G. Abadilla ang welding sa ngunit at mga kasama.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
MAY kawikaan sa amin na, “Ang hiram na hindi nabawi ay ari ng hindi nagsoli.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Ang lunggati ay ginagamit kong katugma ng desire at sang-ayon sa depinisyon nito ngayon sa sikolohiya. Ang mithi ay itinapat ko sa ideal . . . samantalang ang adhika ay sa ambition at goal sa buhay. Ang layon/layunin ay ginagamit na ngayon katumbas ng aim o objective sa lesson plan ng mga titser. Malimit namang lumitaw sa balitang krimen ang hangad/hangarin katapat ng motibo (motive).
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[A]ng salapong . . . may kahulugang pook na tagpuan ng dalawa o mahigit na landas o ilog. Kahawig ito ng mas ginagamit ngayong sangandaan at ng Ingles na fork. [T]inuturol ng salapong ang pagtatagpo halimbawa ng dalawang daloy upang bumuo ng isa na lamang daloy. Kung baga rin sa daloy, mula sa dalawang naging isa ang takbo ng salapong samantalang mula sa isang naging dalawa ang takbo ng sangandaan.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Katapat ng malíban ang except sa Ingles; katapat naman ng bukód ang aside.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
(a) Kapág patinig ang unang titik ng salitáng-ugát, ang um ay unlapì; gaya sa umalís, umibig, umuwî. (b) Kapág katinig, ang um ay nagiging gitlapì: násisingit sa pagitan ng tinurang unang katinig at ng patinig na kasunód; gaya sa bumasa, humingî, tumutol.
Lope K. Santos (Balarila ng Wikang Pambansa)
[A]ng “lumilipad ang saya” ay nangangahulugan lamang na nagmamadali.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[P]aborito ko ang . . . masaalla (salawikain) ng mga Tausug: Gam muti' in bukug Ayaw in tikudtikud. “Mas mabuti pang pumuti ang butó kaysa pumuti ang sákong." Ang ibig sabihin, mainam pang mamatay (pumuti ang butó) kaysa maging duwag na tumakbo sa labanan (pumuti ang sákong).
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[P]inakapobre ang wika ng Metro Manila” pagdating sa karanasang pambansa.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[A]ng bulô ay isang batang kalabaw, ang baguntáo ay isang tin-edyer na kalabaw, ang kalakíyan at inahin ay maygulang at kung baga'y tatay at nanay na kalabaw, at ang matsóra ay isang babaeng kalabaw na hindi magkaanak.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Marami sa mga salita ngayong itinumbas sa mga moderno't teknikal na bagay-bagay ang hango sa karanasang agrikultural. Halimbawa, ang pítak (section) at pangúlong-tudlíng (editorial) sa peryodismo ay mula sa mga bahagi ng bukid. Ang kalinangán (culture) ay may ugat sa linang at taniman ng palay.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[A]ng isang binibini'y “may itsura.” Ibig sabihin, maganda at taliwas sa “maitsura” na ibig sabihi'y pangit.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[A]ng kundi ay ginagamit sa parirala o sugnay na pambaligtad sa isa pang parirala o sugnay sa loob ng isang pangungusap. Halimbawa: “Hindi pangit kundi kulang lang sa ganda.” Dili kaya'y pampatotoo sa sugnay na nag-uumpisa sa “wala.” Halimbawa: Walang pumayag kundi siya.” Sa mga Inglesero, kadiwa ng kundi sa ganitong mga pangungusap ang but sa Ingles. Ngunit iba ang gamit ng kung di. Pang-umpisa ito sa parirala o sugnay na kondisyon para sa katuparan o ikapangyayari ng isa pang parirala o sugnay sa loob ng isang pangungusap. Halimbawa: “Kung di ka susuko, lulutang ka sa dugo." Isa pa: “Maganda siya kung di lang sira ang ngipin.” Katapat naman ang magkahiwalay na kung di ng if sa Ingles. Tandaan din na ang hiwalay na kung di ng if ang ginagamit kapag may karugtong na man. Gaya sa: “Kung di man tao, hayop.” Sa isang uri lang ng kanta nagdidikit ang tatlo para maging “kundiman.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Noong araw, ang inihanay kong modelo ay binibigkas at isinusulat na “bakin at,” “bawa at,” “sapagka at,” 'nguni at,” “subali at,” at “datapuwa at.” . . . Ngunit sa ika-19 na siglo ay tila nawala ang mga anyong ito at higit na ginagamit sa anyong pinagdikit bagaman may kudlit bilang simbolo sa inalis na titik A: “baki't,” “bawa't,” “sapagka't,” “nguni't,” “subali't,” at “datapuwa’t.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Para kasi sa kaniya (Teodoro Agoncillo), trabahong tamad ang basta hiram nang hiram. Ikalawa, naniniwala siyang may katiyakan ang pagkabuo ng ilang luma nating salita at may kaugnayan sa ating sariling karanasan na nawawala sa paggamit natin ng hiram na bokabularyo.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[A]ng kundi ay ginagamit sa parirala o sugnay na pambaligtad sa isa pang parirala o sugnay sa loob ng isang pangungusap. Halimbawa: “Hindi pangit kundi kulang lang sa ganda.” Dili kaya'y pampatotoo sa sugnay na nag-uumpisa sa “wala.” Halimbawa: Walang pumayag kundi siya.” Sa mga Inglesero, kadiwa ng kundi sa ganitong mga pangungusap ang but sa Ingles. Ngunit iba ang gamit ng kung di. Pang-umpisa ito sa parirala o sugnay na kondisyon para sa katuparan o ikapangyayari ng isa pang parirala o sugnay sa loob ng isang pangungusap. Halimbawa: “Kung di ka susuko, lulutang ka sa dugo." Isa pa: “Maganda siya kung di lang sira ang ngipin.” Katapat naman ang magkahiwalay na kung di ng if sa Ingles. Tandaan din na ang hiwalay na kung di ng if ang ginagamit kapag may karugtong na man. Gaya sa: “Kung di man tao, hayop.” Sa isang uri lang ng kanta nagdidikit ang tatlo para maging “kundiman.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Ang itlog ng isda, halimbawa, sa Tagalog ay gayon nga lamang at nilalagyan ng panuring para maibukod sa itlog ng manok o itlog ng ibon. Ngunit bihud ang itlog ng isda mulang Legazpi hanggang Lungsod Davao, vihud sa mga Ivatan, vugi sa mga Ivanag, at bugi sa mga Ilokano. May talamarong sa Palawan at puwedeng itapat sa hiram na limon o lemon.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
NASA panlapi (affix) ang henyo ng ating wika . . . Parang ito ang kaluluwa ng Filipino. Nasa pagsapól ng iba't ibang salimuot ng mga unlapi, gitlapi, at hulapi ang tatak ng kadalubhasaan sa wikang Filipino.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Kinakalawang ang kaalaman sa kahit katutubong wika kapag hindi naihahasa; “lumalansa” ang dila kapag laging wikang banyaga ang ginagamit at pinag-aaralan.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Ang katamarang mag-aral sa Filipino ay sintomas lámang ng mababaw (o paimbabaw?) na nasyonalismo sa wika.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Wala sa tagal ng pag-aaral ang ikinahuhusay ng edukasyon kundi nasa uri at galing ng pagtuturo.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[N]akikilala natin ang anyong maramihan sa sumusunod na paraan: (1) sa pamamagitan ng paggamit ng mga . . . (2) pagbabago ng anyo ng panlapi . . . (3) pag-uulit sa unang pantig ng salitang-ugat ng panuring . . . (4) paggamit ng numero at mga palatandaan ng bálang na maramihan . . . Iwasan natin ang “mga kababaihan " dahil plural na ang “kababaihan.” Tama ang kapulisan, sobra na ang “mga kapulisan.” Iwasan din ang “walong mga kotse” dahil sapat na ang walong kotse.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
Ang kung saan ay tulad ng kung ano, kung bakit, at kung sino sa balarilang Filipino na nagpapahiwatig ng kawalang-katiyakan. Ang ibig sabihin, kung hindi tiyak ang lunan ng isang bagay o pangyayari ay tamang gamitin ang “kung saan.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)
[M]arami tayong tambalang salita na hiram sa Espanyol at isinusulat nang walang pang-angkop, walang gitling, at hindi rin pinagdidikit. . . [M]aaaring gamitin ang sistemang walang pang-angkop o pang-ukol sa mga tambalang pangalan ng pook.
Virgilio S. Almario (Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa)