“
Ang pag-ibig ay tila isa ring pananakop at ang mangingibig, isang dakilang mananakop; nais mo ng kasagutan at katubusan sa sarili mong pag-iisa, sa sarili mong kahinaan, sa mga katanungang hindi matapus-tapos ni matukoy sa simula. Ang trahedya ng pag-ibig ay kung sakaling makamtan mo na ang iniibig, hindi mo na alam kung ano ang gagawin mo sa kanya na nasa iyong mga kamay, at ayaw mo naman siyang pakawalan dahil hindi mo na makita ang pagkakaiba ng lumaya at umibig. Inaakala mo na kasi na ikaw at siya ay iisa, tinanggap mo na nang walang pagdududa na siya na ang iyong kahinaan o pinagmumulan ng lakas at ikaw ang kanyang kahinaan at pinagmumulan din ng lakas. At inaakala mo na ang nakaraan at bukas niya ay hawak mo sa iyong mga palad—at ganoon din siya sa iyo. Na ikaw, ikaw palagi ang nasa kanyang nakaraan. Na ang umibig ay ang tanging dakila at banal sa buhay. Malupit
na pananakop ang umibig kaya ko ito kinatatakutan.
”
”