“
Ay, ano nga ba ang ating kaugnayan?
Hindi tayo magkaano-ano.
Ganitong mga nagdaang danas lamang naman
ang ating napagsaluhan,
mga insidente at aksidenteng
puta-putaking nagdaan sa ating buhay.
Malapit na malayo't
Malayong malapit,
nakatanod sa pagtatalamitam.
Naiiba ba ito sa mga sinaunang salaysay?
May darating at may magpapaalam,
may iibis at may sasakay,
sa bawat kasalukuyan
ng ating pag-iral.
Maaaring kumurot ang tuwa,
umusbong ang luha,
at lagi, may antak na iwa.
Nawa'y hindi tumiwalag ang puso
kung ugnaya'y yumao.
Nawa'y hindi masaling ang kaluluwa.
kahit magtakipsilim ang umaga.
Nawa'y hindi mapatid ang awit
sa pagtigil ng hininga.
”
”