“
Maraming masamang epekto ang pandemya sa relasyon ng mga tao dahil sa pinairal na social distancing. Kasama na rito ang relasyon ng mga mag-asawa. Sa kaso namin, nabawasan ang aming privacy dahil bente kuwatro oras na nariyan ang mga bata. Dahil sa pagbibisikleta, napananatili pa rin namin ang intimacy - sa kalsada. Napapag-usapan namin ang mga bagay tungkol sa aming mga anak habang kami'y pumapadyak o habang nakahinto kami sa isang tabi para magpahinga. Na-improve rin ang koordinasyon naming mag-asawa; sa tinginan pa lang at hand signal, nagkakaintindihan na. Kung ang iba'y nagbibisikleta pa para makapasok, kami'y nagbibisikleta para makalabas.
Kilo-kilometro ang aking nabisikleta. Sa panahon ng kalamidad, may natuklasan akong natatagong lakas. Natitiyak kong kaya ko nang mag-isandaan sa mga susunod na buwan.
”
”